BLADES AND RELICS

April 17, 2024

SUMMER 2024

March 8, 2024

The good news is, SUMMER!

What’s in store for your summer? Even if busy with pragmatic existence, don’t forget to enjoy it. Been buying .22 Cal pellets for good measure, they usually become scarce in the provinces in this time of year. Also looking for my other CO2 tank, will fill it up since our farm is quite secluded. This is for plinking ladies and gentlemen! Not for shooting those hapless birds (I swore off shooting wildlife because of one incident in childhood, I posted it here once before). It’s fun to plink to while away the time while camping.

Outdoors ASMR

January 18, 2024

Malamíg at simbangó ng gubat ang hangin sa loób ng tent. Dumadaloy itóng tila batis mula sa aking ilóng, pababâ sa aking mga bronchi, tungo sa kagubatan na nakalukób sa aking baga. Di-gaya ng virus, hindî nakalulunod kundî nakakapagpalayà. Ramdám ko ang kapahingahan at kalakasang sumasanib sa aking mga sangá at dahon. Sa yugtông itó, akó at ang gubat ay iisá.

Bawat kislót, kaliskís at lagutók sa aking paligid ay dumadakò sa aking kamalayan. “Walâng zombie na paparatíng.” Bulóng ko sa aking sarili.

Sa aming bug-out location o taguán sa iláng na lugár na itó sa Bundók Isaróg, ang kinalalagyán ko ang unang hanay ng depensá laban sa mga zombie. Nakakalat kamí rito, ang poók na maaaríng magíng hulíng tindíg namin laban sa kataklismo at apokalipsis. Ang aking mag-anak ay nasa loób ng kabahayán, ang aking bayáw at kanyáng mag-anak ay nasa hiwaláy na kubo. May sarili ring kubo ang aming matandang tiyò, patí na rin ang mga kapatíd ng aking bayáw.

Walâng lamók sa loób ng tent. Lumalagabláb pa ang damag sa di-kalayuan at hindî ko ugalìng magbukás ng tent kung hindî pa akó papasok dito para matulog. Sa loób, kasama kong nakahandâ ang aking Bikol ginuntíng, air pistol, flash light, alcohol at PPE. Di-magtatagál, kukumutan na ng dilím ang paligid at kuwago akóng lilinaw ang paningín.

Gaya ng mga nauná kong meditasyon habang nasa gubat, ginagawâ ko itóng mag-isá habang nasa solo camp. Akó lamang at ang gubat. Akó lamang at dilím. Akó lamang at ang iyák ng mga nokturno. Akó na nagsagubat at naglilingáp para sa hinaharáp. Naghahandâ para sa zombie apocalypse.

Balík sa kasalukuyan at tamà ang basa mo. Hindì ka namamalík-matá. Zombie apocalypse nga. At siguro nakatatawá ang aking pamagát at panukalà, ngunit mas nakatatawá siguro ito kung pre-pandemic ko itó nabanggit. Alám siguro ng lahát na sa Pilipinás na naganáp ang isá sa pinakamahabáng Covid-19 lockdown sa buông mundó. At habáng natatakot sa virus o veerus ang karamihan noón at parang sardinas na nagsisilsikán sa loób ng tahanan sa gitnâ ng tag-inít (naganáp ang pandemonium ng lockdown noong March 15, 2020), nananahimik na ang aking mag-anak sa isáng liblíb na lugár sa Bundók Isaróg sa Camarines Sur.

Social distancing ba kamo? March 10, 2020 ay naroroón na kamí. Nakapag-withdraw na ng kauntîng pera at dala-dalá ang mga kagamitán at kasangkapan upang malampasán ang krisis na walâng katiyakan kung kailán matatapos. At kung tutuusín, iláng linggó lamang bagó ang nasabing lockdown ay pinagtatawanán pa kamí ng iláng kapitbahay at kakilala dahil sa aming mga paghahandâ. Ganoón ang kumpiyansa ng marami sa ating mga kababayan. Marami sa atin ang ni sa hinaháp ay hindî inakalàng ganoon ang mangyayari. Na marami ang mamamatáy, mawawalán ng trabaho, magugutom, masisiraan ng isip, mawawalan ng kalayaang gumaláw at maglakbáy. Subalít isáng malagím na bangungot ang naganáp. At nauwî itó sa sisihán, kawaláng direksiyón, galit at siphayò.

Paanong naunahan kong takasan ang lockdown? Simple lamang: Una ko nang niyakap ang pilosopiya at pagsasanay hinggíl sa prepping at survivalism.

Kung paglilimian, maitituring na dormant o nahihimbing lamang ang ugali, paniniwalà at gawain kong ito. Maitituring na prepper o survivalist ang aking Lolo Pio na beterano ng World War II at nagsilbí bilang Tenyente sa US Navy. Lagì raw advanced mag-isip ang Lolo. Halimbawà, umalís siyá kasama ang Lola (na isang government nurse noon sa Regional Hospital ng Bicol) sa kaniláng tinitirhán na nasa paanán ng Bulkán Mayón. Hindî raw mapakalî ang aking Lolo at lagìng nakatanáw sa bulkán. Isá pang halimbawà ay ang paggawâ niyá ng underground bunker sa aming ancestral house. Halimbawà ring maituturing ang hilig niyáng magkolekta ng mga sandata gaya ng mga patalím at baríl. Malawak ang kanyang koleksiyóng ng mga talím, mula sa mga bayoneta at K-Bar hanggang sa mga minasbad, kalis at kris. At kung hindî nga inembargo ni Marcos ang mga armás ng mga sibilyán noóng Martial Law, mayroón pa sana ang Lolo kong mga 1911 Colt 45, mga M1 Garand, Browning Automatic Rifle at Carbine.

Samakatuwíd, ang aking Lolo ay maituturing na prepper o survivalist, lalò at namuhay rin siyá sa paraáng “living off the land” sa kanyáng lupaín. Isáng empowered citizen na hinubog ng giyera, may Second Amendment man o walâ. At kakatwâ ring napakarami niyáng libró sa kanyáng library. Ang sabi, galing ang ilán rito sa barkóng Amerikano noóng digmâ. Malawak ang mga paksâng sinasakláw ng nasabing aklatan. May sa aghám, ispirituwalidád, panitikáng Europeo at Kanluranín, palakasan, mga taktikáng pandigmâ at ibá pa.

Isáng tunay na “Renaissance Man,” madalás niyáng ipagyabáng noón na may nalalaman siyá sa maraming disiplina. Isá raw siyáng medikó, arkitekto, inhinyero, magsasaká, mangingisdâ at ibá pa. At matatandaán kong panáy namán ang sabád ng aking Lola na dumaló lamang sa mga seminar at “schooling” sa Navy ang aking Lolo at hindî namán talagá ganáp na duktór o inhinyero halimbawà.

“Subalit may sapát na nalalaman.” Pakli ng Lolo.

Lahìng prepper, kumbaga. Iyán akó. Kaya’t noóng 2018, bagamá’t alám kong likás sa akin ang pagiging handâ sa anumáng bagay, at maramí-ramí na rin ang aking nababasa’t napapanoód tungkól sa prepping at survivalism, nagpasyá akóng seryosohin at yakapin ang landás na itó.

Ang mga ganitóng landasin ay hindî nawawalán ng dimensiyóng mistikál. Nagkatagpô kamíng mulî ng aking matalik na kaibigang si Bernard Quiñones na masasabi kong isá nang mistikó nang mga panahón na iyón. Nagíng madalás ang aming pagkikita upang paksaín ang mga bagay ispirituwál tulad ng past life regression at meditasyón, patí na rin kaalamán sa pakikipaglaban, pamumuhay ng “offgrid,” camping, hiking, at nauwî itó sa usapang prepping at survivalism. Prepping na hango sa salitâng preparing. Unang pinauso ng mga Amerikano bilang terminó, marami ang nagsasabing may katapát ding konsepto itó sa ating kultura (kahit na sinasabi ring ang pagiging masayahin nating mga Pinoy ay ang dahilán kung bakit kampante tayo palagi at hindî handâ). Pagkalipas ay nakasama na rin namin ang Sikarán at Judo master na si Gabriel Gomez, aking kumpare at kasamaháng gurô sa unibersidád. Nagíng ugalì naming magsagawâ ng mga “prayer camp” kapág Mahal na Araw.

Subalit mas mahirap na limutin ang kuryenteng naramdamán ko isáng araw na may nasalubong akong bladesman matapos bayaran ang bill sa kuryente sa CASURECO. Pasakáy na akó ng jeep nang pansinín akó ng taong iyón. “Hanapin mo na ang iyóng talím.” Sabi niyá.

Hindî akó makapaniwalâ sa kanyáng sinabi at lalong di ko rin maintindihán kung bakit winikà niyá sa akin iyón. Nakasuót siyá ng salakót at tila patungo sa isáng malayòng lugár. May ubaning balbás at sukbít na iták. Sabi pa niyá: “Kilalá kitá. Hanapin mo na ang mga pandáy. May dugô ka ring pandáy Kaya’t may pang-amóy ka sa bakal at patalím.”

Naguguluhán akóng sumakáy ng jeep pauwì. Lingíd sa akin ay iyón na ang simulà ng aking pagiging blade hunter. At totoó nga ang kanyáng sinabi. Tila naaamóy ko kung nasaán matatagpuán ang mga pandáy at tindahan ng mga punyál at espada sa isáng lugar, antigo man o moderno. At hindî nagtagál, ang hilíg kong itó ay nauwî sa pananaliksík. Isinagawâ ko ang mga “blades walk” kung saán ay sinusuyód ko ang mga baryo at liblíb na lugár sa Kabikulan upang makipamuhay at makapanayám ang mga mamamayan. Kapantáy ko siláng itinuring na mga kaibigan at iginaláng ang kaniláng mga pamamaraán, kultura, pasalitâng tradisyón at ibá pa. Wari’y musmós akong umusisà sa kaniláng mga kasangkapan.

Hinaráp kong may open rationality o bukás na pag-iisíp ang mga paniniwalà niláng supernaturál at isinuót ko rin ang mga handóg nilang agimat at antíng-antíng. Natuto na rin akong talasan ang aking paningin at pakiramdám para sa mga biyayàng mutyâ ng kalikasan ayon rin sa kaniláng pagtuturò at direksiyón.

At akó nga ay nagíng hiker o manlalakbáy ng mga sangá-sangáng tugaygayan. Natutong mag-isíp ang aking litid, natutong makiníg sa dunong ng mga nakakasalubong, natutong makiramdám sa mga bulóng ng simoy upang masukat ang tayà ng panahón.

Niyakap ko rin ang mga huklubang punò upang magpaalam at magpasalamat sa tuwíng may bagong sulok ng gubat na kakaibiganin. Nakaugalián ko na ring pumilì ng mga lihim na santuwaryo. Hihingín ko itó mulâ sa Ináng Kalikasan upang gawíng pahingahan. May isá ngang pagkakataón na tila nagpadalá siyá ng sugô upang ipaalám ang kanyáng pagpayag, isang ahas na Iragô (Reticulated Python) na lumitáw habang naka-lotus position ako sa ibabaw ng isáng makinis at patag na bató. Hinaráp namin ang isá’t isá at nagdugtóng ang aming titig. Taimtím akó, taimtím rin siyá. “Pahirám ng iyóng trono kaibigan.” Usál ko sa aking isipan.

Humayo ang nasabing ahas at naramdamán ko ang galák na hindî ko mawarì kung saán galing. Napagtantó kong nakapangingilala ang gubat. Ang mga punong-kahoy ay nangungusap at nag-uusap, magíng ang mga ibá pang nilaláng na nasa kakahuyán. Alám nilá kung busilak ang iyóng hangarin. At higít sa lahát, nabatíd kong mapagbigáy ang gubát sa nakikiníg sa dunong nitó. Dalisay na tubig, halamang gamót, mga prutas at gulayín, mga kasangkapan sa paglikhâ ng apóy at matutulugan—libre at likás sa lungsód na itó ng mga perang dahon. Kung gayón, ang pagsasagubat ng sarili ay ang ultimóng paghahandâ at paglilingap sa hinaharáp.

Batás ng kalikasan ang mas umiiral, kailangan mo lamang na ipasaloób ang iyóng kaakuhán rito at hindî-hindî ka magkakamalî. Ang gubat ay atin ring tahanan, at higít pa rito, ang gubat at kalikasán ay bahagì ng ating katawán at anatomiya. Isáng bagay na hindî maipagbibili o mabibili o maaarì. Samakatuwíd, ang paglilingap para sa gubat ay paglilingap para sa hinaharáp ng ating mga sarili at ng sangkatauhán.

Sa aking solo hike, naging ritwál ng paglilinis sa sarili ang paglilinis ko sa gubát. Ang pagpulot ko at pagsisilíd sa sako ng mga basurang aking nakakatagpô upang itapón sa tamàng pamamaraàn pagdatíng sa población ay isá ring pagsasadalisay ng aking sarili. At ang pagtataním ko ng mga gulayín at mga punòng-kahoy ay isang paglilináng at pagpapayaman ng kalakasan at kalusugan ng aking katawán. At kung gayón, ay isáng ritwál ng mulîng pagbubuô ng ating anatomiya. Dahil gayà nga ng nasabi na, ang pagpuputol ng mga punò ay isang amputation o pagpuputol ng ating anatomiya gamit ang isáng chainsaw.

At dahil tinaguyod ko ang landasing panggubat, nagíng gintông kasangkapan ko ang mga iták. Natutuhan kong igalang ang patalím bilang isáng gamit na maaarìng magbigáy at kumitíl ng buhay. Kung iisipin, ang sangkatauhán ay umusbóng at umusad dahil sa patalím. Kakambál ang martilyo, ang patalim ang nagíng matigás at matalas na galamáy ng mga bisig ng ating mga ninunò. Nagsimulâ bilang mga tipák ng bató, umunlád ang patalím bilang tansô, pilak, gintô at bakal. Samakatuwíd, ang mga pandáy ang unang mga inhinyero ng kabihasnán, at ang alkemiya niláng kapatiran ng bakal at apóy ang siyáng nagdalá sa atin sa modernong panahón. Kumbaga, nang itinurò ng mga makatà ang buwán, ang mga pandáy ang nagtayò ng hagdanan paakyát dito.

Sinamantalá ko na rin bilang gawaíng kontra-kultura ang aking pananaliksik tungkól sa mga talím ng Kabikulan. Gaya
ng sabi noón ni Virgilio S. Almario na kung sana kahit sa panulaan man lamang ay makabawì tayo laban sa impluwensiyáng Kastilà, Kanluranín at ibá pang dayuhang kultura, naisip ko ring gawíng pambatò ang ating mga katutubòng sandata bilang patunay na literál na lumaban ang “katutubòng kaakuhán” hanggáng kontemporaryong panahón. Ang kaniláng pag-iral at pananatilì ay isáng patunay na nakikipag-digmâ pa rin ang katutubòng kultura laban sa dayuhan.

Katunayan, ang kali, arnis de mano, kuntáw silat at ibá pang mga katutubông disiplina at anyô ng pakikipaglaban (o Filipino Martial Arts at Moro Fighting Arts) ay patuloy na namamayagpág sa loób at labás ng bansâ. Kakatwâng mapapansin din na maraming dayuhan ang nagpapakadalubhasà rito. Minsan nga ay may marami pa siláng mga dayuhan ang interesado sa ating martial arts at blade culture kaysá sa atin na mga Filipinong nariritó. Ang ibá pa ngang Fil-Am ay nagsisipag-uwî upang magsanay sa ilalim ng mga lokal na gurô at dalubhasà.

Kung kayâ mulî kong binuhay ang aking dugông mandirigmâ. Inaraw-araw ko mulì ang aking mga ehersisyo sa kuntaw, karate at kendo. Hindî para magíng utak giyera at away, kundî para mas magíng mataimtim at malalim ang aking meditasyón at umalagwa ang aking ispirituwalidád.

Dahil sa aking mga saliksík sa kultura ng talím ng Bikol, ako rin ay nagíng isáng blade architech at scholar, gumawâ ako ng Facebook Page o blog para sa aking mga sanaysáy tungkòl sa Bikol blades. At dahil sa lumalawak ang interès dito, naisipan ko na ring gawín itóng isáng online-shop na nagbebenta ng mga tunay at awtentikóng Bikolnon na talím gaya ng sinagangán minasbád, ginuntíng, sinampaloc, sundáng, wastarì, ginugón at ibá pa.

Nagíng bahagì rin ng aking saliksík ang mga pasalitâ o pabigkâs na tradisyón, mga oral folk narratives na konektado sa Filipino Martial Arts gaya ng kultura ng agimat at antíng-antíng, mga katutubông ritwal, pangangaso, mga primitibong kasanayan tulad ng bushcraft. Sa katagalan, marami akóng nagíng kaibigang mga mapagmahál sa anumáng bagay na katutubò, mga makakalikasan at mga prepper/survivalist.

Nagíng lamán ng aking mga blog at vlog ang mga nabanggít na paksâ at nagkaroon ako ng mga katulad kong mag-isíp na nakakasama ko sa mga livestream. Isá na rito ang naka-base sa Texas na si tokayong Jason Antic ng Jose Rizal Adventures na YouTube channel. Sa aming tandem ay nagíng madalás na paksâ ang koneksiyón ng usapíng ispiritwál, mistikál at pangkalikasan sa paglilingap para sa hinaharap at prepping/survivalism.

Napagkasunduán rin namin at ibá pang kasama na ang paghahandâ sa Zombie Apocalypse ay ang ultimóng paghahandâ. Kahalintulad na rin itó sa paghahandâ sa anumang sakuna gaya ng bagyó, lindól, bahâ, digmâ, tagtuyót, kasalatán sa pagkain, salot, epidemya, pandemikó, mga krimén, at ibá pa. Kung handâ ka sa Zombie Apocalypse ay handâ ka rin sa mga nabanggít na suliranin. Napagkasunduán rin namin na ang mga zombie ay hindî lamang yaóng mga buháy na bangkay o mga biktima ng rabies o anumáng virus na pumapatáy sa huwisyó ng isáng tao. Silá rin yaóng mga taong waláng anumáng paghahandâ sa kalamidád, umaasa lamang sa gobyerno at sa ibá; bulág na mga tagasunód ng fake news, mga pulitikó at huwád na influencers. Silá rin yaóng nagigíng mga magnanakáw at mamamatay-tao sa oras ng sakuná. Kung gayón nararapat lamang siláng paghandaán.

Noóng umagang yaon ng summer lockdown ng 2020, nagisíng akóng tumutudlâ na ang sinag sa loób ng tent. Walâng zombie na dumagsâ sa gitnâ ng gabí at gubat. Lumabás akó upang humingâ ng malalim, paloób at palabás, isáng meditasyón kapiling ang marilág na Isaróg. Tinungo ko ang kalapít na batis at walâng pakundangang sumisid. Mayâ-mayâ ay binatì akó ng napadaáng magsasaká at inalók akó ng mga bagong pitás na kabuté. Ramdám at kita pa ang hamóg sa kupyâ ng mga itó. Bagamán at libre, kumuhà akó ng iláng pirasong air rifle pellet at iniabót sa kanyá. Nagíng uso ang bayanihán at barter sa mga kanayunan sa panahón na iyón, mayroón nga lang social distancing. Matagál na kamíng may mga kanyá-kanyáng taniman ng gulay at ibá pang punòng may prutas. Mayroón rin kamíng niyugan, palayán at may imbák na bigás. At kahit sumasaglít pa rin namán sa grocery sa bayan, sapát ang aming makakain. Malakíng biyayà ring palibot ng mga bukál na may dalisay na tubig ang Isaróg. Sa mga bukál nagmulâ ang aming inumin. Halos nga hindî nagastos ang na-withdraw kong pera noón habang umiiwas kamí palayô sa guló at hirap ng lockdown sa lungsod.

Sa prepping at survivalism, natutuhan naming pumilì ng mainam na bug out location. Iyóng lugár na may kalayuan sa lungsód, may mga edibles o pananím, may mga alagàng hayop, may libreng maiinóm na tubig. May matibay man na bahay ay natuto rin kamíng magtayò ng mga kanlungan at silungang yarì sa kawayan, mga sangà ng punò at palapà ng niyóg. Nagsanay rin kamí sa malalayòng lakaran o long distance hiking at camping. Nagíng maalam rin sa pagpilì ng bug out vehicle, isáng cost effective na sasakyán. Hindî kinakailangang isáng armored car o tangké. Para sa amin ay mainam na ang mountain bike at motorsiklo. Puwedé sa pasikot-sikot at matipíd sa gasolina. Ginagamit lamang namin ang may apat na gulóng na sasakyán kapág maraming kargá o marami kamíng bibiyahé at malayô-layô ang patutunguhan.

Ang aming bug out bag ay naglalamán ng mga gamót, alcohol, PPE, sabón, water bottle, iláng damít (may mga damít na kamí sa bug out location) at iláng babasahín (mamamatáy kamí kung walâng libró). Ang EDC pouch o everyday carry pouch naman ay may maliít na medical kit, tactical pen, tickler notebook, flashlight, eating tool, multitool, lighter, fire starter at pito o silbato. At siyempre lahát kamí ay may mga side-carry na iták (sinusunód lamang namin ang Batas Pambansâ 6 at ibá pang jurisprudence sa pagdadalá ng talím). Kung nais mong magíng tahimik at walâ kang LTOPF o License to Own and Possess Firearm, Registered Firearm at Permit to Carry, mainam rin ang air rifle na de bomba. Sa kaso ko, dinalá ko ang aking air pistol. Mahalagá kasí na madepensahán ang bug out location, at epektibo rin ito sa pangangaso kung kinakailangan. Dapat lamáng igalang at sundín ang mga panuto ng DENR at patí na ang mga batás sa wildlife preservation, at siyempre ang mga patalastás ng COMELEC sa Gun Ban o Weapons Ban kapág halalan.

Masaráp matulog sa tent kapág malamíg at umuulán. At hindî kamí kinuláng ng dilíg sa Isarog. Sa ngayón ay madalás pa rin akóng mag-hiking, cycling, moto long ride at camping. Magaán sa pakiramdám na sa prepping at survivalism, nahahasà tayóng magkaroón ng situational awareness, prepper mindset at independence. Iyóng umaasa tayo sa sariling lakás at huwisó. Naunahan ko ang lockdown dahil sa mga nabanggít. At masaráp ngang humilatà o mamaluktót sa loób ng tent kapág alám nating habang naghahandâ tayo sa sakuná, kalamidád o kataklismo ay sabáy nating nililináng ang ating kalayaan, kultura, kagubatan at ang kalikasan. Nagigíng bahagì pa tayo ng solusyón at nakakatulong sa bayan: Nililingap ang hinaharap habáng pinaghahandaán ang Zombie Apocalypse.

O, ikáw kaibigan, handâ ka na ba sa Zombie Apocalypse? Huwág magíng zombie!

(Saranggola Awards 13 Entry)

http://www.culturalcenter.gov.ph

Home

https://www.facebook.com/SaranggolaPH