KRITIKA

June 12, 2006

DUNG-AW SA AKING PUNTOD

Di naman matigas ang ulo, pero ba’t di ka nakinig
Sa mga paalaala ng ina mo’t mga kapatid?

Sabi mong sobra na’ng nangagkalat na pasakit
Ba’t sa matalas at matalim lalo kang nahilig?

Hapdi’t kirot ng mga sugat niluluhaan ng iyong isip
Ba’t nagtutula ka ng tumatarak sa dibdib?

Sa hardin ng mga dalita’y yukod ka sa ganda ng daigdig
Ba’t ang dila mo’y nagsasalita ng pangit?

Ay, oo, makata kang kinalugdan ng marami
Ngunit may mga nasuya sa iyong ginagawi.

Kaya’t tinik kang pinigtas
Sa tangkay ng mga bulaklak
At mga gahamang kamao
Walang hadlang manguyumos ng bango!

–NELSON G. DALIGCON

KRITIKA:

Ang una kong napansin sa tulang ito ay ang tugma. Magkakatugma ang 'nakinig', 'kapatid', 'pasakit', 'nahilig', 'isip', 'dibdib', 'daigdig' at 'pangit'. Subalit magkakahiwalay ang mga taludtod nito at hindi iisang saknong lamang.

Kung tatanggapin naman ito bilang hiwa-hiwalay na saknong, parang lalabas na kulang ang alam ng makata sa tugmaan. Mas mainam kung gayon, na pag-isahin na lamang ang mga taludtod na ito sa iisang saknong. 

Ang huling saknong naman pakiwari ko ay may tugmaang aa, bb. Ngunit bago ito, napansin kong ang 'marami' at ginagawi' ay hindi magkatugma. May impit ang 'ginagawi'. Kung maaayos ito, puwedeng isama na ang dalawang taludtod na ito sa huling saknong upang maging aa-bb-cc ang tugmaan. Taliwas sa tugmaang isahan ng naunang saknong.

Napansin ko rin ang 'nangagkalat na pasakit.' ang 'nangag' ay maramihan ng 'nag'. Kung kaya dapat siguro ay 'nangagkalat na mga pasakit'. At mas angkop din kung
'Sabi mo'y sobra na ang nangagkalat na mga pasakit', lalo't tila wala namang taludturang sinusundan.

At ang 'nagtutula', mas angkop siguro ang 'tumutula'. At mas angkop din ang 'At ang mga gahamang kamao/Ay Walang hadlang manguyumos ng bango!'

Ang 'Dung-aw' ba ay isang uri ng bulaklak na maraming tinik? Ang persona ay nasa puntod na at naglilimi na lamang kung gayon. Ang 'ka' o ang kausap ba ng persona ay ang kanyang sarili lang naman? Kausap niya ang 'Dung-aw' na simbolo o imahen ng kanyang sarili? Kung ganito nga'y maganda ang estratehiya sa retorika ng tula.
Para bagang sinasabi na malalaman lamang ng isang makata ang kanyang halaga sa mundong ito kapag siya ay patay na. At sa kaso ng makatang ito, mukhang hindi siya masaya. Isa siyang makata ng siphayo noong nabubuhay pa kung kaya't siya ay itinuring na tinik. Hindi naman dapat magduda ang mambabasa sa temperamento niyang ito. Heto nga at ganito pa rin ang kanyang itinutula bagama't siya'y multong makata na lamang.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: